(Ngayon, imbes na gamitin ko ang aking oras sa paghahabol sa school work, mas pinili kong halungkatin ang mga draft entries ko sa blog na ito kaya andami kong nakapublish for today. hehe.)

Ilang buwan na ang nakalipas mula noong hinagupit ang Kamaynilaan ng bagyong Ondoy. Naisulat ko ito kasi may nabasa akong article sa intranet site namin sa opisina. May effort kasing kilanlin ng aming opisina ang mga magigiting na empleyado na sinagupa ang bagyo at baha para lang makapagtrabaho noong kasagsagan ng pananalasa ni Ondoy. Hanggang ngayon may mga artikulo pa ring lumalabas tungkol sa mga empleyadong ito.

Sa pinakahuling sulating nabasa ko mula sa nasabing koleksyon ng mga karanasan, nabanggit ng sumulat na mabuti na lang hindi kasing tindi ng pananalanta ng Ondoy ang sumunod na bagyo, si Pepeng. Nagulat lang ako kasi mukhang hindi gaanong nakapag-research yung sumulat. Siguro sa Kamaynilaan, hindi gaanong nakapanalanta ang bagyong Pepeng pero grabe rin ang naging kaswalti nito sa Northern Luzon. Napapaisip tuloy ako… Minsan ang buhay natin kasi masyadong masikip, may hangganan ang tanaw sa mga bagay-bagay. Madalas, hindi na nakikita ang “other side of the fence”, ‘ika nga. Sabagay, tatak na ito ng uring peti-b. Nakakalungkot lang kung minsan.

Sa isang banda, nakakabilib nga naman ang mga empleyadong pinararangalan ng kumpanyang pinagtatrabahuan ko. Biruin mo, yung iba maaga talagang naglakad sa mapanganib na baha para lang makapasok. Hindi ba’t manipestasyon ito ng kawalan ng job security sa aming kumpanya? Kasi, kahit anong tindi ng bagyo, business as usual ang operations namin - talagang may disciplinary action kapag nag-absent ka, anuman ang rason. In fairness, naging lenient naman sila noong Ondoy. Pero hindi ba’t dapat lang naman?

Sa lipunan kasing pinaaandar ng kapital, ang mga pangangailan ay nagiging pribilehiyo.

Bookmark and Share

Comments No Comments »

Noong Sabado, naramdaman ng hilagang bahagi ng Pilipinas ang delubyong hatid ng bagyong Ondoy o Typhoon Ketsana. Galing akong trabaho noon, ang dati’y wala pang isang oras na byahe ay naging tatlong oras. Pero napakaswerte ko: maraming na-stranded, binaha, nawalan ng ari-arian at namatayan dahil sa nasabing bagyo, samantalang ako’y naantala lang ang pag-uwi.

Hindi kailangan ng bayan natin ang isang Ondoy. As it is, marami na tayong kalbaryong pinapasan - yung tumitinding krisis pang-ekonomya, yung pagkakaroon ng pekeng pangulo, yung masahol na pagnanakaw ng mga nasa estado-poder, yung nalalapit na (dayaan sa) eleksyon, etc, etc.

Pero sabi nga, andyan na yan. Ngayon, sino ang dapat singilin at pagbayarin sa nangyaring ito? Hindi ako naniniwala sa BS na: “Dapat tayong magtulungan at huwag nang magsisihan.” Oo, dapat tayong magtulungan upang makaahon sa trahedyang ito, pero dapat ding may managot. Sa bansa natin kasi, wala namang umaako ng responsibilidad pag may kapalpakan, lahat magagaling. Paano naman ang daan-daang taong nakitilan ng buhay at mga taong nawalan ng kabuhayan?

Malinaw na hindi tayo handa sa mga ganitong sakuna. Bukod sa napagpasasaan na ang ating kalikasan ng iilan, lumalabas ding walang naging matinong urban planning ang Kamaynilaan. At ngayon ngang nandyan na ang kabi-kabilang make-shift evacuation centers, kulang naman sa suplay ng pagkain, gamot at damit. Nagkakaroon na ng mga epidemya, nag-aaway-away na sa hatian ng pagkain.

Sa mga nagsasabing wala silang pakialam sa pulitika, sana pruweba na ang sigalot na ito para magkaroon ng pakialam sa mga nagaganap sa bansa. In the end, hindi pwedeng hindi ka maaapektuhan ng mga katarantaduhan ng gubyerno at ng uring pinoprotektahan nito.

Bakit pinayagang magkaganito ang ating kalikasan? Bakit walang sapat na suplay na relief goods para sa mga bikitima? Bakit kulang sa rekurso ang rescue operations? And, for God’s sake, bakit may mga lugar pa ring lampas-tao ang baha kahit isang linggo na ang lumipas? Sunud-sunod na tanong, na alam naman natin lahat ang sagot. Sana alam mo.

Ito pa ang nakakabad trip, sa gitna ng krisis na ito, inaprubahan ang P2B na budget para sa Con-con. Siguro naman, nabalitaan mo rin na nagpapakalasing noon si Mikey Arroyo?

***

Sa kabilang banda, maraming positibong balita rin naman ang lumabas tungkol sa kabayanihan ng mga Pilipino. Isang halimbawa si Muellmar Magallanes, isang obrero, itinaya ang kanyang buhay upang makasagip ang 30 tao. Laksa-laksa ang nag-inisyatibang mamahagi ng kanilang mga naitatabing gamit para doon sa mga nawalan. Napakaraming nagboboluntaryo sa mga organisasyong namimigay ng pagkain, damit at serbisyo sa mga nasalanta. Pagpupugay sa sambayanang nagtutulungan!

***

Kapansin-pansin ang naging bahagi ng internet at ng new media sa paghahatid ng balita (user-generated content) sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Nariyan ang mga photos at videos na isini-share sa FB at iba pang social networking sites. Naging daan din ang blog upang mabasa natin ang mga karanasan at kuru-kuro hinggil sa nagdaang kalamidad. Higit pa, sa pamamagitan ng internet, nagkaroon ng mabilisang komunikasyon para sa paghingi ng saklolo, pag-imbita sa mga relief operatons at iba pa.

(Isinulat noong October 2, 2009)

Bookmark and Share

Comments No Comments »

Bukas na ang huling SONA ni Gloria. Walang puwang ang Cha-cha o Con-Ass, hindi na pwedeng magtagal pa sa pwesto ang gahamang pekeng pangulo. Tama na. Let’s go sa SONA!

(Isinulat noong July 26, 2009)

Bookmark and Share

Comments No Comments »

May 25, Memorial Day sa Amerika.

Normally, we would have to make-up for not coming to work for this day. Forced leave kami sa mga legal holiday sa sineserbisyuhan naming bansa. Bad trip ito kasi, una, hindi naman namin piniling huwag pumasok pero mababawasan ang kakarampot na ngang paid leaves namin. Ikalawa, kailangan namin i-make-up ang mga off na ito kapag naghahabol sila ng operation hours. Di ba nga, nung holy week, 4 na araw binayaran ang otso oras na “off” para sa Easter Sunday?

Pahirapan magfile ng leave ngayon sa opisina. Ilang buwan na nga akong walang naaaprubahang leave; dinadaan na lang sa para-paraan. Tenureship ang basehan ng leave approval. Ang problema sa ganitong metodolohiya, naglilikha ito ng pagkakahati-hati. Proven naman na kasi talaga ang divide and conquer na istilo ng “pamumuno” (more aptly, pananakop), kaya halos lahat ng polisiyang sinusunod namin - mula sa stack ranking hanggang sa pag-aapruba ng bakasyon - naaayon sa ganooong pamamaraan.

Ironic kasi ang sabi we should work as a team, in fact, umiiral kami sa mga team. Pero sa katotohanan, kami naman ay ineevaluate individually - sa stats, sa discipline. Sa katotohanan, ang working environment namin ay hindi nagpopromote ng pagkakaisa at pagtutulungan. Embodiment talaga ng lipunang kapitalista at ng quest for capital ang industriyang ito tulad ng iba pang multinasyunal.

Sigurado namang maraming mga balidong kahilingan ang mga manggagawa sa aming opisina. Sigurado ring mananatili na lang ito sa “antas-reklamo” dahil hindi naman organisadong napaparating ito sa kinauukulan. Hay.

(Isinulat May 2009)

Bookmark and Share

Comments No Comments »

Hindi naman ako die hard fan ng Eraserheads noong kabataan ko (hindi pa naman ako katandaan ngayon). Oo, meron akong kumpletong koleksyon ng mga CD nila, cassette tape at madalas ko silang napapanood sa mga libreng concert nila sa UP. Kabisado ko rin, syempre, ang mga kanta nila. Fan nga ako, pero hindi naman ako sumusunod sa kung saan man sila may gig. Hindi ko naranasang magpunta ng Dredd or wherever para mapanood sila.

Nagreunion concert ang grupo, nang dalawang beses, at kasama ng libo-libong fans, nakikanta ako at nakipagsaya sa bulto. Nanumbalik ang pagiging fan ko ng Eraserheads, at sa partikular, kay Ely Buendia. Katunayan, kahit na pagod na ako galing sa trabaho at lab, nanood pa rin ako ng performance ng Pupil sa event ng opisina namin. Kahit wala akong alam sa mga kanta ng Pupil, go lang.

Siguro, it’s because he or his songs, his popularity reminds me of my youth. Masarap talagang alalahanin yung panahong wala ka pang muwang sa mundo, hindi ka pa jaded. Siguro yun nga.

(July 2009)

Bookmark and Share

Comments No Comments »

Hindi ko na alam san ako magsisimula sa pagkukwento tungkol sa kabadtripan ko sa PAL. Simple lang naman sana kung hindi nagloloko ang online booking system nila. E kaso nga, may topak.

Una, (kahit walang topak ang online booking nila) hindi sila pumapayag na magpabook ka ng higit sa 7 tao (kasama na ang bata). Kaya kung ang magtatravel ay higit sa 7 tao, kailangan mong ulitin ang proseso ng pagpapabook. Hindi magagarantiyahan na magkakasama kayo sa isang flight. Waste of time.

Ikalawa, hindi tuluy-tuloy ang processing ng booking request at ang masakit, naghahang ito sa ilang maseselang bahagi. Isa sa mga bahaging naghahang ay yun pa namang sa parte na kailangan mong isulat ang mga pangalan ng bawat pasahero. Ang hassle, paulit-ulit mo kasing gagawin kapag nag-hang. Sana ay pinauunlad ng PAL ang online system nila dahil sa panahon ngayon, hindi malayong mas magiging maalwan para sa mga pasahero nila ang magbook and buy na lang online. Lalo na’t ang ticketing office nila ay nasa Makati lang. (Parang dalawang lugar yung sinabi sa akin ng Reservations Agent nila, parehas pang inconvenient puntahan for me) Kapag kasi dumaan ka sa travel agent, of course, may extra charge.

Ikatlo, ang pinakamabigat nageerror din ang website kahit nakapag-enter ka na ng payment details. Ibig sabihin, hindi mo masisiguro kung nadeduct na sa credit card mo yung bayad sa tiket o hindi pa. Kapag nag-error, wala ka ring marereceive na confirmation. Hindi mo talaga alam kung ok na ang transaksyon o hindi. You have to find it the hard way. Ang makukuha mo ay instructions na mag-email sa kanila para ikumpirma kung naging successful nga ang transaction. At dahil masunurin ako, nagemail naman ako. Kaso huwag ka nang umasang magreply sila. I never received any corrrespondence from them.

Ikaapat, di kagandahang customer service. At yung nakausap ko pang CSR, ako pa ang sinisisi. Parang napakalimited ng kaya nilang gawin. Well, hindi naman nila kasalanan yun, PAL din naman ang may kakulangan kung hindi nga ganoon kaayos ang serbisyo nila. Overconfident kasi sila ang leading airlines dito, nakakaasar tuloy.

Kaya ka nga magbabakasyon ay para hindi na mastress. Hay naku, PAL!

(Hindi ko na maalala kung kailan ko ito exactly isinulat, 1st half of 2009 before we went to Bohol.)

Bookmark and Share

Comments No Comments »

Nagpupuyos ako sa galit mula pa noong narinig ko ang naganap na masaker sa Maguindanao. Hindi ko naintindihan. Bakit nangyari ito? Sana nga masamang panaginip lang. Hindi pa halos nakakarekober ang bayan natin mula sa mga sakuna ng bagyo, isang man-made disaster naman ang sumalanta sa Pilipinas.

Hindi naman ako bingi o bulag sa mga extra-judicial killings, laluna sa mga aktibista at mamamahayag. Hindi na bago, kumbaga, ang mga balitang may mga napapatay nang walang kalaban-laban. Ayon sa Karapatan, umaabot na nga ang bilang ng mga biktima sa 312 sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Subalit, noong una kong narinig ang balita, hindi ko magagap kung paanong na-execute ang masaker na ito nang ganoon na lang.

Nalaman ko, batay na rin sa mga balitang aking narinig, napanood at nabasa, na ang Ampatuan clan ang itinuturong salarin, pangunahin na rito ang Mayor ng Datu Unsay na si Andal Ampatuan Jr. Siya ay nasa custody na ngayon ng NBI.

Matagal na raw kaalitan ng mga Ampatuan ang angkan ng mga Mangudadatu. Ang mga Mangudadatu ang pangunahing target ng masaker. Noong araw na naganap ang krimen, maghahain ng Certificate of Candidacy si Genalyn Magudadatu para sa kanyang asawa na si Esmael, tatakbo ito sa pagka-Bise-Gobernador ng Maguindanao. Makakalaban niya si Andal Ampatuan Sr, ang ama ng prime suspect sa krimen. Sa pinakahuling balita, umaabot na sa 57 ang mga nahukay na bangkay. Kabilang sa mga pinaslang ang 27 mamamahayag at 15 motorista (na umano’y witness sa naganap na masaker kaya pinili nilang patayin na rin).

Ayon kay Boy, ang testigong nagbigay ng pahayag sa media, isa sa mga gunmen na ngayo’y tumetestigo laban kay Ampatuan Jr, ang direktiba sa kanila ay patayin lahat ng miyembro ng Mangudadatu clan – babae man o bata. Ayon na mismo sa DoJ, hindi lang basta pinatay ang mga kababaihan, maaaring sila rin ay ginahasa muna at tinortyur.

Isa na sa pinakamatitinding election-related violence ang masaker sa Maguindanao. Lumang tugtugin na ang pamamayagpag ng guns, goons and gold kada eleksyon. Alam din nating mananaig ang krimen sa ating bansa sa darating na halalan. At heto na nga nagsimula na, sana nga wala nang mas titingkad pang halimbawa sa masaker na ito. Sukdulan ang kagahamanan sa kapangyarihan.

Nararapat suriin kung saan nagmumula ang lakas ng loob ng mga Ampatuan upang isagawa ang krimen na ito. Sariwa pa sa ating alaala ang kontrobersyal na pagkapanalo ni Miguel Zubiri bilang ika-12 Senador noong nakaraang halalan. Hindi ba’t Maguindanao lamang ang nagtala ng 12-0 na boto? Ibig sabihin, lahat ng botante sa Maguindanao ay bumoto para sa administrasyon, walang nakuhang ni isang boto ang oposisyon mula sa probinsyang ito. Kalokohan di ba? Pero namatay na ang balitang iyon, hindi na nga natin nabalitaan kung anong nangyari sa protesta ni Koko Pimentel. Pero ang malinaw, nagkaroon ng kasunduan sa pagitan ng administrasyong Arroyo at ng mga Ampatuan: papanalunin ang mga ‘bata’ ng administrasyon at pananatilihing namamayagpag ang angkan ng mga Amaptuan sa Maguindanao. Sa kasunduang ito, nagkaroon ng matibay na mandato ang mga Ampatuan na ipagpatuloy ang kanilang paghahari sa nasabing probinsya.

Isa pa, saan galing ang humigit-kumulang 100 gunmen? Ayon sa testigo, mula rin sa hanay ng pulisya at militar ang mga tauhan ng mga Ampatuan. Hindi ko matanggap na ang ikinakaltas sa aking buwis sa tuwing susweldo ako ay mapupunta sa ganitong aktibidad! Nakakagalit talaga!

Malapit na kaalyado ni Arroyo ang mga Ampatuan. Magkakaroon ba ng hustisya para sa mga biktima ng masaker nito sa ilalim ng rehimeng Arroyo? Hahayaan ba natin na patuloy na mamamayani ang nagkakanlong sa mga mamamatay-tao? Sabagay, siya naman mismo, si Gloria Macapagal-Arroyo, ang utak sa pagpatay ng napakaraming inosenteng sibilyan. Karumal-dumal talaga ang kalagayan ng pulitika sa ating bansa.

Bookmark and Share

Comments No Comments »